Bituka

Thursday, May 11, 2006

Kasaysayan at Kontribusyon ng Protestantismo

Kasaysayan At Kontribusyon Ng
Protestantismo Sa Pilipinas*



I. Isang Talinghaga Ng Pakikibaka.

Simulan natin ang talakayan sa pamamagitan ng isang talinghaga.

Sa paanan ng isang bundok, may kawan ng mga baka na nakalukong sa loob ng malawak na koral. Malimit ang mga baka ay naghahangad na makalabas sa bakod. Ang paghahangad na makalaya ay tumindi lalo na’t dumarami ang bilang ng mga baka at kinukulang sila ng pagkain sa loob ng koral. Sa kanilang pagtutunggali at pag-uunahan sa pagkain, ang mga bakang may katandaan at masakitin ay langing naiiwanan ng mga malalakas. Kung minsa’y nagkakaroon ng pag-aaway na humahantong sa kapansanan o dili kaya’y kamatayan sa ilan. Kaya, pinagsabihan ng may-ari ng kawan ang kanyang katiwala na lagyan ng tapon ang sungay ng mga baka. Sa ganitong paraan, walang masasaktan kahit sila’y mag-away.

Samantala, may mga taong nagmungkahi sa katiwala. “Ba’t di mo nalang pakawalan ang mga baka upang makakain sila ng sapat sas labas?”

Sagot ng katiwala: “Eh, kung pakawalan ko sila, mahihirapan kong gatasan ang mga baka!”

Kaya, patuloy ang mga baka sa loob ng koral.

Ngunit may mga sekto ng kawan na naniniwalang kung sila’y magkaisa, puwede silang pumiglas na lumabas sa kulungan. At ito nga ang kanilang ginawa. Kaya, isang araw sila’y nakalaya. Gayon na lamang ang takot ng katiwala, at siya’y nagtago sa malayong dako.

Subalit may bagong itinalagang katiwala ang may-ari ng kawan. Isa-isang pinabalik ang mga baka sa loob ng koral. Lalong mas mahigpit ang bagong katiwala sa pagpapatupad ng kagustuhan ng may-ari. Tulad ng inaasahan, ang mga malalakas na baka ay nagsimulang apihin ang mga mahihina. Datapuwa’t ang mga bakang nakatikim na ng malayang buhay sa labas ng koral ay naghangad muling makalaya hanggang ngayon!


II. Ang Inang Bayan:
Konteksto ng Pakikibaka.

Ang kasayasayan ng ating Inang Bayan ay mayaman sa mga karanasan sa pakikibaka, pagkabayani at kagitingan upang makamtan ang kalayaan. Katunayan, noong ika-30 ng Deciembre 1996, ating nasaksihan ang pagdiriwang ng Sentenaryo ng kabayanihan ni Jose Rizal. Sa mahabang panahon, maraming paghihimagsik ang itinaguyod ng mga Filipino sa iba’t-ibang dako ng ating kapuluan. Ang katapangan at kagitingan ng Filipino ay napatunayan sa labin-limang paghihimagsik tulad ng mga sumusunod: 1) Lakan Dula, 1574; 2) Magalat, 1596; 3) Tamblot, 1621; 4) Bankaw, 1622; 5) Samuroy, 1649; 6) Maniago, 1660; 7) Malong, 1661; 8) Dagohoy, 1744; 9) Palaris at Silang, 1762; 10) Hermano Pule, 1840; 11) GOMBURZA, 1872; 12) Papa Isio, 1896; 13) Bonifacio at mga Katipunero, 1896; 14) Laban sa mga Amerikano, 1898-1903; 15) Laban sa mga Hapon, 1941-1945; at 16) Laban sa Diktador, 1983-1986.[1]

Kaya, ang matamis na tagumpay na nakamtan noong 1898 at noong 1986 ay parang kambal na tugatog ng malawak na bundok ng kabayanihan ng mga Filipino.

Ang talinghaga ng pakikibaka ay naglalarawan sa kontekstong sosyo-ekonomiko, istorikal, pulitikal at kultural ng ating Inang Bayan. Ang mahigit na 86 na milyong Pilipino sa ngayon ay kabahagi sa kamalayang kolonyal na minana natin mula pa noong ika-16 na dantaon. Ang karanasan natin sa ilalim ng mga Kastila ay parang isang masamang panaginip na tila walang katapusan. Sa kabila ng mapanggayumang epekto ng Katolisismo natuto ang mga Pilipino na magkaisa at samasamang puksain ang paniniil ng mga Kastila noong 1898.

Subalit dumating ang mga Amerikano at inagaw nila ang tamis ng tagumpay na nakamit natin laban sa mga Kastila. Kaya, tuloy ang pakikipag-laban ng mga Filipino at sa loob ng tatlong taon nagwagi ang mga kalaban. Itinatag ng mga Amerikano ang kolonyal na pamamahala at nagmistulang parang ibon na nakakulong sa haula ang diwa ng pakikibaka ng mga Filipino. Datapuwa’t ang diwang makabayan at pagka-uhaw sa kalayaan ay namalagi sa kabila ng patakarang benevolent assimilation ng mga Amerikano. Ito’y ipinahiwatig ng awiting kinatha ni Jose Corazon de Jesus noong 1928:

Ang bayan kong Pilipinas, Lupain ng ginto’t bulaklak
Pag-ibig ang sa kanyang palad, nag-alay ng ganda’t dilag
At sa kanyang yumi at ganda, dayuhan ay nahalina;
Bayan ko binihag ka, nasadlak sa dusa.

Ibon man may layang lumipad, Kulungin mo at pumupiglas,
Bayan pa kayang sakdal dilag Ang di magnasang maka-alpas.
Pilipinas kong minumutya, pugad ng luha ko’t dalita.
Aking adhika, makita kang sakdal laya.[2]

Ang mga titik ng awiting ito’y naghahayag ng alab sa pakikibaka kung kaya’t ito’y naging mahalagang sangkap sa mga kilos-protesta sa panahon ng diktaduryang rehimeng Marcos. Ang alab ng pakikihamok kailanma’y hindi apapawi lalo na sa mga tagasunod ng Protestanteng Repormasyon. Ayon kay Dr. Fely V. Cariño:
“Protestantism in the Philippines is associated more with religious and theological views that have emerged from the religious life of the American frontier than with the tradition that has been engendered by the Reformation of the sixteenth century. The result is a watered-down... Protestant Christianity that simply does not have the religious and theological depth of the Reformation or the social, economic and cultural expressions that the Reformers initiated. This is not only sad; it is also a matter of great impoverishment... for those who consider themselves to be Protestants.”[3]

Ang pasimula at paglaganap ng Protestantismo sa ating bansa ay dahil sa masigasig na pagtataguyod ng mga misyonerong Amerikano. Mahalagang kilalanin ito lalo na sa konteksto ng namamalaging inpluwensiya ng Katolisismo. Kaakibat sa paglaganap ng Protestantismo ay ang mga isyu ng nationalismo, pagkakaisa at kooperasyon ng mga iba’t-ibang simbahan tungo sa kaunlaran at pagbabagong kultural.

Ang talakayan tungkol sa isyu ng nationalismo ay may ugnayan sa mga kaganapan noong 1898 kung saan matagumpay nating naitatag ang kasarinlan ngunit ito’y inagaw ng mga imperialistang sumakop sa atin. Ang mapait ay ang paraan ng panloloko o panlilinlang ng mga Amerikano sa paggamit ng ideyang “manifest destiny” buhat sa Dakilang Maykapal. Pinatunayan ito ni J. E. Smylie, isang American church historian, na nagkaroon “sense of manifest destiny among the missionaries.” Ayon sa kanya “the theological basis for this feeling of destiny was the common doctrine of providence [which assumes] that the United States was to be the primary agent of God’s meaningful activity in history.”[4]

Ayon pa sa isang manunulat na Amerikano, ang kahulugan ng manifest destiny ay “expansion, prearranged by Heaven, over an area ... for extending the blessings of American freedom, to neighboring peoples who wanted to achieve self-realization; it involved the reduction of distant peoples to a state of colonialism.”[5] Isang kasapi ng U.S. Senate na nanguna sa pagsakop sa Pilipinas ay nagsabi:
“And of all our race, God has marked the American people as His chosen Nation to finally lead in the regeneration of the world. This is the divine mission of America, and it holds for us all the profit, all the glory all the happiness possible to man. We are trustees of the world’s progress, guardian of its righteous peace.”[6]

Ang laganap na paniniwala tungkol sa “manifest destiny” ang siyang nagtulak kay President William McKinley na angkinin ang Pilipinas bilang “a sacred trust, as a mission of ‘benevolent assimilation.’” Ipinagtapat ni McKinley sa grupo ng mga lider simbahan na hindi niya alam ang gagawin sa Pilipinas, kung kaya’t nanikluhod sa pagdadasal upang maliwanagan ang kanyang kaisipan. Ito ang kanyang pahayag:

“The truth is that I didn’t want the Philippines.... I did not know what to do with them.... I walked the floor of the White House ...until midnight; and I ... went down on my knees and prayed Almighty God for light and guidance.... And ... it came to me this way: 1) that we could not give them back to Spain--that would be cowardly and dishonorable; 2) that we could not turn them over to France or Germany... that would be bad business and discreditable; 3) that we could not leave them to themselves--they were unfit for self-government-- and 4) that there was nothing left for us to do but to take them all, and to educate the Filipinos, and uplift and civilize and Christianize them, and by God’s grace do the very best we could by them, as our fellow men for whom Christ died.”[7]

Si Reinhold Niebuhr, isang tanyag na teologo sa America, ang pumuna sa mapag-kunyaring pahayag ni McKinley: ito’y isang uri ng self-deception, hypocrisy, dishonesty, ang heavenly vision ni McKinley.[8] May hanay ng mga prominenteng tinig na anti-imperialist sa America na kinabibilangan ng dalawang dating pangulo [Harrison at Cleveland], mga manunulat gaya nina Mark Twain, Henry James, W.E.B. Du Bois, and Jane Addams, tanyag na philosophers tulad nina William James, George Santayana, at mga pangulo ng Universidad tulad nila Charles W. Eliot ng Harvard, Henry W. Rogers ng Northwestern, at David S. Jordan ng Stanford. Gayon din ang mga kilalang lider ng mga simbahan tulad nila Rev. Henry van Dyke, Rev. Edward E. Hale, and Rev. Charles H. Parkhurst, etc. Ang bisa ng kanilang samasamang tinig-protesta ay ang pagkakaroon ng patas na boto tungkol sa pagkilala ng independencia ng Pilipinas. The tie vote was broken by the Senate presiding officer. Gayon din, noong pagpasyahan ng Treaty of Paris kung saan pinagbili ng España ang Pilipinas sa Estados Unidos sa halagang $20 million, ito’y nagtagumpay sa pamamagitan ng isang boto lamang.[9]

Isang halimbawa ng matalas ng panunuligsa laban sa mga maka-imperialista ay ang tula ni Mark Twain, “Battle Hymn of the Republic.”
“Mine eyes have seen the orgy of the launching of the Sword;
He is searching out the hoardings where the stranger’s wealth is stored;
He hath loosed his fateful lightnings, and with woe and death has scored;
His lust is marching on!

I have read his bandit gospel writ in burnished rows of steel;
As ye deal with my pretensions, so with you my wrath shall deal;
Let the faithless sons of Freedom crush the patriot with his heel;
Lo, Greed is marching on!

In a sordid slime harmonious, Greed was born in yonder ditch;
With a longing in his bosom -- and for others’ goods an itch --
As Christ died to make men holy, let men die to make us rich --
Our god is marching on!”[10]

Matapos ang limang dekadang mapanlinlang na pananakop ng mga Amerikano, karamihan sa ating mga Protestante ay tila hindi nakarinig sa mga panunuligsa ng mga anti-imperialistang tinig sa Amerika. Hindi ito katakataka dahil halos lahat ng mga misyonerong pinadala dito ay sang-ayon sa imperialist expansion ng Amerika. Kaya, kahit na ipinagkaloob sa atin ang independencia noong 1946, ang mga Filipino’y nanganganib pa rin na maabot ng mga kuko ng American eagle. Hindi rin dapat ipagtaka kung bait lahat ng mga naging pangulo ng ating bansa mula 1946 hanggang sa kasalukuyan ay sumunod sa giya ng Estados Unidos.

Kaya, ito ang konteksto ng ating patuloy na pakikibaka tungo sa tunay na demokrasya. Mahalagang sangkap ng ating pakikibaka ay ang pagiging anti-imperialist. Marami ng mga buhay ang nalagas upang maisulong ang pakikibaka sa panahon ng Filipino-American war [1898-1902], sa panahon ng diktaduriang Marcos [1972-1986] at maging ang “total war policy” ng Aquino government. Sa ilalim ng Martial Law, halimbawa, ang pamiliang Marcos at kanilang mga crony [negosyante at lider militar] ang nagsamatala at nagpasasa sa kayamanan ng Inang Bayan. Ang mga tagapamala ng batas militar mismo ang sistimatikong nangurakot at dinam-bong ang kayamanan ng ating bansa kung kaya’t lumubo ang ating utang sa labas.

Ito and dahilan kung bakit nagdarahop ang marami sa ating kababayan at ang iba’y napilitang makipagsapalaran sa ibang bansa, ipagbili ang angking dangal, at kung minsan ay umuuwing malamig na bangkay sa loob ng kahon. Ang matinding karukhaan ay nagbubunga ng iba’t-ibang mga sakit na sanhi rin ng maagang kamatayan. Sa kabila ng karangyaan ng ilan nating kababayan, ang ganitong sitwasyon ay sadyang naka-panghihilakbot. Kaya, samasama at kapit-bisig ang mga Filipino upang tutulan ang mapagsamantalang rehimen sa pamamagitan ng people power revolt sa EDSA noong 1986. Tulad ng kawan ng mga baka, ang mga Filipino ay nagkaisa at nagpumiglas upang makalabas sa koral ng rehimeng Marcos. At si Marcos ay lumayas at nagtago sa ibang bansa. Samantala, may bagong katiwala na itinalaga, ang pamahalaang Aquino. Ngunit ito ma’y sunod-sunoran sa patakaran ng World Bank at IMF.

Ganito ang konteksto kung saan ang mga Protestante ay magsagawa ng maka-propetang patotoo sa ating lipunan. Mahalagang bahagi sa patotoong ito ay ang pag-exorcise sa multo ng “pro-imperialist” na kamalayan. Kung kaya’y ang mga Protestanteng tulad natin ay dapat magdevelop ng “healthy nationalist philosophy” na siyang magpa-hiwatig ng isang “anti-imperialist ideology.” Ito lamang ang paraan, ayon kay Claro M. Recto at Renato Constantino, upang makamit ang pam-bansang pagkakaisa na siyang simula ng ating kaligtasan. Ito ang pahayag ni Recto: “The one fact that we Filipinos must never forget is that others will want division among ourselves that they may rule [us]. We must be united in order that we may rule ourselves.”[11]

Nagmungkahi si Constantino na pasimulan natin ang “initial stage to establish an anti-imperialist nationalism. This unity will serve as the arena for discussing and classifying the emerging class relations.”[12] Ang ganitong pananaw ay kamuntik ng maisakatuparan noong EDSA 1986 Revolution dahil nakamit na ang mga kailangang sangkap, gaya ng: the good will of the affluent and middle sectors of society and the need for national solidarity based on the denial of short-term economic self-interest. Datapuwat ang pinakamahalagang sangkap ay wala: ang anti-imperialist ideology sapagkat ang mga nagsiganap sa drama ng EDSA 1986 ay sumunod sa “script” ng State Depart-ment in Washington, D.C.[13] Tama ang analisis ni Constantino na ang “dialectic of the class struggle is inappropriate in the Philippine context until mass nationalism had defeated the forces of imperialism.”

May magagawa ba ang mga Protestante upang maisakatuparan ang pananaw at adhikaing Recto-Constantino na mabuo ang anti-imperialist na pagkakaisa ng mga Filipino? Ang sagot sa tanong na ito ay nakasalalay sa ating kakayahang ma-exorcise ang maka-imperialistang kamalayan at kung paano natin putulin ang “umbilical cord” na naguugnay sa atin sa “Mother America.” Bahagi ito sa mahala-gang sangkap upang makamtan natin ang matatag na kooperasyon at pagkakaisa.

III. Kontribusyon ng Mga
Misyonerong Amerikano

Sa usaping ito, mahalagang kilalanin natin ang papel ng mga unang misyo-nerong Amerikano sa pagpapakita ng marubdob na diwa ng pagkakaisa. Ang “Comity Agreement” at pagtatatag “Evangelical Union” noong 1901 ay katunayan ng kanilang pagkakaisa.[14] Bago dumating ang mga misyonero, nagkasundo ang mga Mission Boards na magkaroon ng “mutual understanding as to the most effective and equitable distribution of the territory and work.”[15] Noong pa mang 1898, sinikap na nilang iwasan ang pagkakaroon ng “unnecessary duplication of work and rivalry which have been costly and counter-productive to Christian solidarity.” Pinuri ng isang Mission Board Eexecutive ang pagkakaroon ng comity agreement dahil ito ang kauna-unahang pangyayari sa kasaysayan na ang mga Mission Boards ay nagpasyang iwasan ang masamang dulot ng denominationalismo.”[16] May dalawang impor-tanteng pasya: ang pagkakaroon ng iisang pangalan “The Evangelical Church in the Philippine Islands,” at ang paghahati ng mga teritoryo. Ang pasyang ito ay tinawag ng “Comity Agreement” at tumagal hanggang 1950.[17] Sila’y nagka-isa na ang layunin ng bawat Evangelical Church ay:
“to penetrate this country, open to the Christian influences, instill moral and spiritual life in each community; plant churches, schools, dispensaries, preachers, teachers, doctors and nurses in every strategic town...; develop a self-supporting church with well-trained leaders of Christian character and life; create a moral atmosphere that will inspire public opinion, and make a civilization that is bound to develop thoroughly Christian.”[18]


Talakayin natin sa bahaging ito ang kontribusiyon nina: Dr. James Rodgers ng Presbyterian Church; Dr. Elmer Higdon ng Church of Christ Disciples; at si Dr. Frank C. Laubach ng Congregational Church.

A. Dr. James Burton Rodgers. Si Rodgers ay isang iskolar at nagtaguyod ng ekumenismo. Ayon kay Anne Kwantes: “He was well-known for his enthusiastic support of interdenominational cooperation and church union. His background suited Rodgers well when he began his many years as a missionary in the Philip-pines.”[19] Ang pinakamahalagang kontribusyon ni Rodgers bilang ay sa larangan ng evangelismo. Bilang kauna-unahang misyonero sa bansa, siya ang unang nagpala-ganap sa pag-aaral at pagpapahayag ng Biblia sa mga tao. Dahil may mataas siyang pinag-aralan, naakit niya ang mga Filipinong nasa middle class upang sanayin na maging lider ng simbahan. Ilan sa mga naakit niya ay Nicolas Zamora ng Tondo, Monico Estrella ng Cavite, Francisco Beltran ng Lucban, at Roman Amorante ng Timog Luzon.[20] Siya’y sumulat ng aklat kasaysayan, Forty Years in the Philippines: A History of the Philippine Mission of the Presbyterian Church in the United States of America, 1899-1939.

B. Dr. Elmer Kelso Higdon. Siya’y misyonero ng Disciples of Christ. Itina-guyod ni Higdon ang “Social Gospel” at hinikayat niya ang mga lider na Filipino tulad nila: Dr. Jorge Boccobo at Rev. Proculo Rodriguez. Magkakasama silang dumalo noong 1928 sa Jerusalem Conference ng International Missionary Council. Pag-uwi nila, itinaguyod ang “comprehensive development of rural churches and to alleviate the plight of rural people.”[21] Si Higdon naman ay naging abala sa problema ng “mass migration of people from the rural to the cities as well as the social unrest among the peasants.” Siya at ang kanyang kapanalig ay matatag sa pagtataguyod ng pananagutan ng simbahan sa lipunan. Ayon sa kanya:
“We believe that the duty of the Church in this area of social tension is clear. Missionaries and churches in the Philippines, aided and encouraged by churches and mission boards in America, should select three or four well-trained Filipino and American Christians, release them from all other responsibilities, and ask them to live in one of these ‘hot spots’ long enough to find a solution of the problem. It might take two years or more. These men might have to neglect for a season some of the routine of their churches. But is that too high a price to pay in order that we may become ambassadors of reconciliation on behalf of Christ?[22]

Higdon’s specific proposal foreshadowed what we may call “theology-in-life exposure program” or “frontier internship” or other forms of social action, community organizing and empowerment. Kung itaguyod ng simbahan ang mga ganitong programa, malamang babansagan itong isang subsersibo. Datapuwa’t si Higdon ay hindi natakot. Bagkus, siya’y nabahala sa mga maling patakaran ng gobiyerno na nakasasama sa mga karaniwang tao. Ayon sa kanya:
“. . . while some of the missionaries took the attitude that they would not ‘meddle in politics,’ others openly declared their sym-pathies with the hopes and aspirations of the Filipino people.... Evangelicals, therefore, are now in the good position to help solve the problems that have arisen, first, out of the economic inequalities of the Tydings-McDuffie Act, and second, out of the general world situation.”[23]

C. Dr. Frank C. Laubach. Siya’y isang misyonerong Congregational Church sa Mindanao. Makabuluhang ang kanyang kontribusyon sa pagpapaunlad ng kabu-hayan ng mga Maranao. Para sa kanya ang mga gawaing ito ay pundamental na bahagi ng teolohikal at etikal isyu dahil and Diyos ay banal at makatarungan. Noong 1926, siya nagpahayag ng mga nakababahalang mga tanong:
1. Shall the public domain be homestead out to small Filipino landholders or shall it be given over to great American corporations?. . . American capital insists upon permanent ownership and upon unlimited size to its holdings.
2. When a moral issue becomes political, does it automatically drop out of the Christian program, and is it the duty of the missionary both to ignore the question and enjoin the native church to ignore it?
3. Shall missionaries attack social problems or shall they refrain, hoping that native Christians will do this when they become strong enough?
4. How far shall missionaries be kept silent about moral issues by fear of the effect it may have upon the Home Board’s efforts to raise their budgets in America?
5. Shall missionaries purchase the approval of fellow foreigners by maintaining silence about the morals, business practices. . . of foreigners?
6. If an individual missionary feels that his fellows are unconsciously paving the way for imperialism, does he owe it to them to maintain silence until he can persuade his colleagues to go with him?
7. Shall a mission board silence a native pastor who is an agitator for independence either by threat or by transferring him to another station?
8. Have or have we not missionaries too much saved themselves by falling to try to right injustices?[24]

Ayon kay Dr. Sitoy, ang kilalang Church historian ng UCCP, “Laubach’s outspokenness became a mark of prophetic courage at a time when many were opting for silence as a mark of ‘prudent’ non-involvement.”[25] Si Dr. Laubach ay higit na kilala sa buong daigdig sa kanyang Literacy Strategy na “Each Teach One.”

IV. Nasyonalismo at Pagtataguyod Pagkakaisa.

Ang pagtataguyod ng pagkakaisa Protestante ay nagsimula sa pagkakatatag ng Evangelical Union noong 1901. Isang balakid sa pagkakaisa ng mga simbahan ay ang isyu ng nationalismo. Ang pagkakahiwalay ng ilang simhaban ay nag-ugat sa hangarin ng mga lider na Filipino upang makalaya sa panghihimasok at pamama-halang mga Amerikano.[26] Ang pinaka-unang kaganapan ng pag-iisang organiko ay pagkatatag ng Union Church of Manila sa pagitan ng mga Presbyterian at Methodist noong October 11, 1914. May 25 indibidwal na miembro ng Disciples of Christ na sumapi sa bagong congragasyon. Sumunod naman ang isang mas mala-wak church union na kinasangkutan ng lahat na simbahang Protestante. Datapuwa’t naging hadlang ang isyu tungkol sa church polity (i.e., congregational autonomy) na pinagdiinan ng mga Baptist at Dicsciples of Christ. Subalit ang mga misyonerong Presbyterian at Congregationalist ay nagpatuloy sa kanilang magan-dang ugnayan at ito’y nagbunga sa pagkakatatag Silliman Bible School noong 1921 [na siya ngayong Silliman University Divinity School]. Dahil sa karanasang ito, napalakas ng dalawa ang mithiing isakatuparan ang pagkakaisa sa mga susunod na taon. Samantala, ang mga lider na Filipino ay tila nainip at nayamot sa kabagalan ng mga negosasyon tungo sa pagkakaisa. Kaya, pinangunahan ng mga ito ang pag-organisa sa “United Church of Manila” noong February 1924. Layunin ng grupo ng mga Filipino na “ipakita ang praktikal na kabutihan ng pagkakaisa at paghandaan ang malawak na pag-iisang simbahan sa buong Pilipinas.”[27]

Si Rev. Juan A. Abellera ang unang pastor na Filipino ng “United Church of Manila.” Subalit hindi siya nagtagal dahil siya’y may karamdaman. Siya’y pinalitan ni Rev. Enrique C. Sobrepeña, na katatapos ng pag-aaral sa America. Dito nagsimula ang pangunguna ni Sobrepeña sa pagtataguyod ng pagkaka-isang Kristiyano na humantong sa pagkakabuo ng United Evangelical Church in the Philippines [UECP] noong March 15, 1929,[28] at ng United Church of Christ in the Philippines [UCCP] noong May 25, 1948.[29] Kung kaya’t si Sobrepeña ang naging kilalang pangunahing lider sa pagtataguyod ng pagkakaisang Kristiyano sa Pilipinas.

V. Mga Pangunahing Lider ng Protestante.

Nais kong banggitin ang ilang lider at ang kontribusyon nila sa lipunan at pagpapalaganap ng simulaing Protestante dito sa Pilipinas.

Ang una ay si Dr. Jorge Boccobo. Siya’y naging decano, College of Law, at Presidente ng University of the Philippines. Siya ang kauna-unahang Filipino na nangulo ng Evangelical Union noong 1921. Dahil dito, naipamalas ang aktibong pakikibahagi sa liderato ng mga Filipino sa Evangelical Union. Ang pagkahalal kay Boccob ay “the most far-reaching action ever taken by the Evangelical Union.” Ito’y nangangahulugan sa pagkilala sa kakayahan ng mga lider Filipino. Pahayag ni Laubach: “. . . Earlier the missionaries had been planning and working for Filipinos, like spiritual fathers; . . . [now they] work with Filipinos as brothers.”[30]

Don Toribio Teodoro. Siya’y kilalang lider ng industriya [Ang Tibay Shoe Factory] at naging masugid na tagapagtaguyod ng pagkakaisa ng mga simbahang Protestante. Inanyayahan niya ang kapuwa lider sa kanyang tahanan at ang pagpupulong na ito ay nagbunga sa pagkakabuo ng Iglesia Evangelica Unida de Cristo noong January 3, 1932. Sapagkat ang liderato ng bagong simbahan ay nakaatas sa mga balikat ng mga Obispo, si Don Toribio Teodoro ihinalal na “honorary member for life” of the Church’s General Council.[31]

Josefa Jara Martinez. Siya ang kauna-unang Filipina na nakapagsanay bilang social worker sa New York School of Social Work noong 1921. Pag-uwi niya sa bansa, siya’y nagtrabaho sa Bureau of Public Welfare [1921-1934] kung saan itinaguyod niya ang kapakanan ng pamilia at mga bata. Hindi nagtagal, siya’y naging hepe ng kanyang Bureau. Siya ang nagtatag sa Welfareville, isang institution na tumutulong sa mga homeless children. Siya’y naging Executive Secretary ng YWCA [1934-1946] kung saan itinaguyod niya ang “character building and physical education for women and girls.” Si Mrs. Martinez ang nagtatag ng Philippine School for Social Work na nakaugnay sa Philippine Women’s University. Siya ang nagtaguyod dito sa bansa ng graduate social work education. Siya’y naging mataas na opisyal ng United Nations bilang Social Welfare Adviser. Naging consultant din siya sa iba’t-ibang non-government agencies. Dahil sa mga gawaing ito, siya’y pinuri ni, Dr. Higdon noong 1941 dahil sa kaniyang “development of public opinion and deepened convictions concerning the necessity for social welfare work, the need for trained personnel for it,. . . and the care of dependent and delinquent children.”[32]

Asuncion Arriola Perez. Matapos siyang makapagsanay sa America noong 1920, siya’y nagturo sa Far Eastern University. Nagkaroon ng malawak ng sunog sa Tondo [Manila] noong 1923 at nabago ang direksiyon ng kanyang buhay. Iniwanan niya ang pagtuturo at siya’y naging Social Worker. Ito ang naging deskripsiyon sa kanya:
“Her passion for justice and service was ignited by the plight of the fire victims. As greedy property owners began to rebuild houses which were virtual fire-traps intended to be rented out with great profit, Mrs. Perez lodged her vigorous protest and demanded for a law requiring five safeguards in building permits and because of her persistency the national government complied with her demand.”

Hindi naglaon, siya’y hinirang sa Gabinete [“only woman member”] ni President Manuel L. Quezon. Naging kinatawan siya ng bansa sa International Conference of Social Workers na ginanap sa United States noong 1941, at inatasan ni Pres. Quezon na pag-aralan and kondisiyon ng mga Filipino migrant workers in the U.S. West Coast. Pagbalik sa bansa siya hinirang na director of Public Welfare noong 1941. Noong sumiklab ang World War II sumapi siya sa mga guerrilla na may rangkong Lt. Colonel. Siya binhag ng mga Hapon, at noong natapos ang digmaan, siya nagbalik sa pagiging social worker. She unselfishly organized 80,000 homeless orphans, widows and war victims.[33] Noong 1948, si Mrs. Perez ay nahirang na Chairperson of the United Nations International Children’s Educational Fund [UNICEF], ang kauna-unahang babae na humawak ng mataas na position sa isang international organization. Mula 1954-1964, siya’y naging Presidente ng Wesleyan University-Philippine sa Cabanatuan City.

Senator Jovito R. Salonga. Anak ng isang pastor na Presbyterian, si Salonga ay kinilalang topnotch lawyer, educator and fearless legislator. Nagtapos siya ng Master of Laws [Harvard University] at Doctor of Science in Jurisprudence [Yale University]. Naging professor and dean ng College of Law sa Far Eastern University. Noong 1961, siya’y nahalal bilang Congressman. Pagkatapos ng isang term, siya’y nahalal na may pinakamataas na boto bilang isang Senador noong 1965. Muli siyang ibinalik sa Senado noong [1971 and 1987] and in both occasions he garnered the highest number of votes. Bilang isang mambabatas, siya kilala sa kanyang impeccable honesty and integrity. Kung kaya’t tinagurian siyang “Mr. Good Government”.

Noong idineklara ang Martial Law, isa siya sa unang binilanggo ni Marcos. Noong siya’y nakalaya, walang pakundangan ang kanyang panunuligsa sa rehimen lalo na sa mga panghihimasok ng Estados Unidos at patuloy na presencia ng base militar nila. Siya rin ang tumuligsa sa Philippine-Japan Treaty of Friendship and Navigation noong 1974 dahil sa maaring pagsasamantala ng mga malalaking Hapon sa likas-yaman ng ating karagatan. Tulad nina Ninoy Aquino, Jose Diokno at Lorenzo Tañada, si Salonga ay lumibot sa buong bansa upang ipahayag ang maka-propetang mensahe tungkol sa pagmamalabis ng rehimeng Martial law. Bilang isang magaling at popular na predikador, si Salonga ay laging kinukuhang pana-uhing pandangal sa mga Church anniversaries, convocations and commencement exercises. Siya’y hinirang ni Pres. Cory Aquino noong 1986 bilang taga-pangulo ng Presidential Commission for Good Government upang mabawi ang mga “hidden wealth” ni Marcos at kanyang mga cronies. Matapos na makakuha ng pinaka-maraming boto noong election sa 1987, si Salonga ay naging Senate President. Dahil sa kanyang liderato sa Senado, nagawang pagpasyahang patalsikin ang mga base milatar ng Estados Unidos. Siya ang nagtatag ng Kilosbayan, isang non-government organization, upang ipagpatuloy ang kanyang panunuligsa sa katiwalian sa pamahalaan.

Ito ang mga ilan sa maraming lider sa hanay ng mga Protestante na nagpakita ng kakaibang gilas at responsibleng pakikibahagi sa buhay ng ating lipunan. Ipinamalas nila ang kamalayang nagmamalasakit at maka-propetang patotoo ng simbahang Protestante.

VI. Ang Kongklusiyon:
Pag-uusig sa Simbahan.

Sa mahabang kasaysayan ng ating bansa, ang naging papel ng simbahan ay kabahagi sa mga makapangyarihang umaapi sa mga mahihirap. Datapuwa’t ngayon nagsisimulang magising ang sektor ng simbahan upang makiisa sa mga mahihirap sang-ayon sa itinataguyod ng Banal na Biblia. Ang bagay na ito ay may tatlong kahulugan. Una, ang pagkakaroon ng radikal na pagbabago sa estilo ng pamumuhay ng mga lider simbahan upang ilaan ang kanilang kakayahan sa paglilingkod sa mga mga mahihirap.

Pangalawa, nagkakaroon ng mga patutuwid (redirection) sa mga programang institusyunal ng simbahan tungo sa pag-oorganisa sa mga tao upang makamtan ang katarungan, kalayaan at pagkapantay-pantay. Ang traditional na programa ng ebangelismo ay hindi sapat na tumugon sa kumplikadong problema ng lipunan. Si Richard L. Deats,”[34] dating Professor sa Union Theological Seminary, ay nagpahayag:
“Much of the Protestant social witness has been in the nature of ‘first aid’ . . . without challenging the entrenched evils caused by gross exploitation. The basic Christian communities which are being established nationwide are ... actively working for and participating in the transformation of society. What is being emphasized is a crucial understanding of Jesus Christ who is not only concerned with the souls of men and women but equally concerned with the mutilation and desecration of human bodies because of oppressive and exploitative structures of society.”

Pangatlo, nagkakaroon ng reaksiyon mula sa mataas na liderato ng mga simbahan at lipunan na nagpapatunay sa mala-kolonyal na sistema ng lipunang Pilipino. Dahil dito, anumang mahalagang pagbabago ay tinatanaw at inaakalang isang “subversive activity”. Kaya, nangyayari ang malawakang pag-uusig sa sektor ng simbahan at bumabalik ang karanasan ng “catacomb Christians.” Ang karanasang ito ay nagbibigay ng matatag na ugnayan sa sektor simbahan at ng masang Pilipino, isang matatag na buklod na hindi maaring buwagin ng diktador na rehimen. Ang pagkakaisang ito ay bagong anyo ng ekumenismo na naka-ugat sa biblikal na paniniwala. Ito’y nabibigyan ng mayamang kahulugan dahil sa karanasan ng samasamang pakikibaka.

Dahil dito, ang dating pagkawatak-watak na minana natin sa makitid na kamalayang sektarian, kung saan ang mga Katoliko’t Protestante ay nag-aaway, ay naglalaho na. Ang bagong pag-unawa na ibinusod ng Vatican II sa mga Catoliko at bagong tuklas na kaalaman sa Biblia na nakatuon kay Jesus na taga-Nazareth, ang Cristong Panginoon lalo na ng mga dukha at inaapi ay simula ng tunay na pagkakaisa at pagbabago sa of istraktura ng simbahan at lipunan. Dahil sa bagong pag-unawa at pagkakaisa, ang buong sambayanan ng Diyos ay may karapatang angkinin ang pangako ng Panginoon na naksaad sa Magnificat ni Maria: “Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono; At itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Binusong niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom; At pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman” [Lukas 1:52-53].


(Ang panayam na ito ay inihanda at ibinigay ni Dr. Melanio L. Aoanan bilang bahagi ng NCCP Lectures Series noong 1998 sa tatlong dako: NCCP Ecumenical Center, Quezon City; College of Theology Chapel, Central Philippine University, Iloilo City, and Central Baptist Church in Bacolod City.)

[1] Tingnan ang mga sumusunod: Teodoro Agoncillo at Milagros C. Guerrero, History of the Filipino People. 5th ed. Quezon City: University of the Philippines Press, 1977, pp. 117-137; John N. Schumacher, S.J., Revolutionary Clergy: The Filipino Clergy and the Nationalist Movement, 1850-1903. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1981, pp. 87-123; David Sturtevant, Popular Uprisings in the Philippines, 1840-1940. Ithaca: Cornell University Press, 1978; Paul M. Monk, Truth and Power: Robert S. Hardie and Land Reform in the Philippines, 1950-1987. Quezon City: New Day Publishers, 1996.
[2] See Robin Moyer, et al, Bayan Ko. Hongkong: Project 28 Days Ltd., 1986. Tingnan din Richard L. Schwenck, Onward Christian! Protestants in the Philippine Revolution. Quezon City: New Day Publishers, 1986, p. 6.
[3] Feliciano V. Cariño, “Editorial,” TUGON, Vol. VIII, No. 1 [1988], p. 2.
[4] John E. Smylie, “National Ethos and the Church,” Theology Today, Vol. XX, No. 3 [1963], p. 314. See also G. H. Anderson, “Providence and Politics Behind Protestant Missionary Beginnings in the Philippines,” Studies in Philippine Church History. Ithaca: Cornell University Press, 1967, p. 279.
[5] Frederick Merk, Manifest Destiny and Mission in American History. New York: 1966, p. 257 as cited by Anderson, op cit., p. 280.
[6] Sidney E. Mead, The Lively Experiment: The Shaping of Christianity in America. New York: 1963, pp. 153-154.
[7] James F. Rustling, “Interview with President McKinley,” The Christian Advocate, Vol. LXXVIII, 1903, pp. 137-138. Cited also in T. V. Sitoy, Comity and Unity. Quezon City: N.C.C.P., 1989, P. 19.
[8] See Reinhold Niebuhr, Moral Man and Immoral Society. New York: Charles Scribners’ Sons, 1932, pp. 99-102. For an anti-imperialist sentiment, see Roger J. Bresnahan, In Time of Hesitation. Quezon City: New Day Publishers, 1981.
[9] See the “Foreword” written by Salvador P. Lopez in Bresnahan, op cit., p. viii.
[10] Bresnahan, op cit.., pp. 74-75.
[11] Claro M. Recto, The Making of the Filipino. Manila: Center of Nationalist Studies, 1969.
[12] Renato Constantino, The Nationalist Alternative. Manila: Center for Nationalist Studies, 1979.
[13] Noel C. Villalba, “Setting the Stage...” SIMBAYAN, 1987.
[14] Sitoy, op cit., pp. 4ff.
[15] Arthur J. Brown, New Era in the Philippines. New York: Fleming Revell, 1903, p. 179.
[16] Cited in Sitoy, op cit., p. 6.
[17] Ibid., p. 126.
[18] See the 104th Annual American Board of Commissioners for Foreign Missions Report. 1914, p. 190. See also Sitoy, op cit., p. 41.
[19] Anne C. Kwantes, Presbyterian Missionaries in the Philippines: Conduits of Social Change. Quezon City: New Day Publishers, 1989, p. 21.
[20] Ibid., pp. 191-192
[21] Proculo A. Rodriguez, The Contribution of Mindanao to the United Church of Christ in the Philippines, ed. By Lloyd Van Vactor. 1987. A Typescript.
[22] Quoted in Sitoy, op cit., p. 46.
[23] Ibid., p. 47.
[24] See The Missionary Herald CXXXII, 1926, p. 309, as cited by Sitoy, pp. 48-49.
[25] Ibid., p. 49.
[26] Ibid., p. 54.
[27] Walter Roberts, The Filipino Church, 1936, p. 111.
[28] For a complete discussion on the UECP, see Mariano C. Apilado, “Revolution, Colonialism and Mission: A Study of the Role of the Protestant Churches in the United States’ Rule of the Philippines, 1898-1929.” Ph.D. Dissertation, Vanderbilt University, Nashville, Tennessee, 1976.
[29] Para sa isang kumpletong talakayan sa kasaysayan ng UCCP, tingnan ang aklat ni Melanio L. Aoanan, Pagkakaisa at Pagbabago: Ang Patotoo ng United Church of Christ in the Philippines. Quezon City: New Day Publishers, 1996.
[30] Frank C. Laubach, People of the Philippines, p. 209.
[31] Sitoy, pp. 76-77.
[32] Sitoy, pp. 50-51.
[33] Ibid., p. 52.
[34] Richard L. Deats, The Story of Methodism. Manila: National Council of Churches in the Philippines, 1964, p. 26. See also Moving Heaven and Earth: An Account of Filipinos Struggling to Change Their Lives and Society. Manila: CCPD-WCC and Philippine Ecumenical Writing Group, 1982.

1 Comments:

At 6:26 PM, Blogger mnlpilgrim said...

Hi Melanio. Did you get all your references from Union Theological Seminary?

 

Post a Comment

<< Home